Muling nagsagawa ng regular session ang Bangsamoro Transition Authority Parliament matapos ang unang Parliamentary Elections noong Setyembre 14, habang papalapit ang panunungkulan ng mga halal na miyembro ng unang regular Bangsamoro Parliament.
Inaprubahan ng Parliament ang resolusyong nag-eendorso kay Supreme Court Associate Justice Japar Dimaampao para sa posisyon ng Chief Justice.
Ayon kay Member of the Parliament Sha Elijah Dumama-Alba, magiging makasaysayan ang appointment ni Dimaampao dahil siya ang magiging unang Filipino Muslim na magsisilbing Chief Justice ng Supreme Court.
Samantala, dalawang panukalang batas ang iniharap sa second reading at ipinasa sa mga kaukulang komite, kabilang ang pagtatatag ng Bangsamoro Halal Development Authority at pagbabago sa Bangsamoro Administrative Code kaugnay ng komposisyon ng Bangsamoro Women Commission.
Iniharap din sa first reading ang panukalang palawigin ang bisa ng 2025 fiscal year infrastructure appropriations upang mabayaran ang mga balidong obligasyon para sa mga proyektong pang-imprastraktura.
May hanggang Oktubre 30 ang Parliament para aksyunan ang natitirang legislative agenda, habang magpapatuloy ang plenary session ngayong Oktubre 6, alas-1 ng hapon.

















