Nasamsam sa isang buy-bust operation sa Barangay Indahag, Cagayan de Oro City ang tinatayang isang kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P6.8 milyon.
Arestado sa operasyon noong Setyembre 26 ang isang 40-anyos na lalaki na kabilang umano sa high-value individuals at nakilala sa alyas na “Bebe.”
Ayon sa mga awtoridad, nakuha mula sa suspek ang ilang sachet at pakete ng hinihinalang shabu na tinimbang gamit ang hindi pa nakakalibrang weighing scale.
Narekober din sa operasyon ang isang cellphone, chest bag at lisensya na umano’y pag-aari ng isa pang suspek na alyas “Abu.”
Nakatakas naman si “Abu” at patuloy na tinutugis ng mga awtoridad.
Pinangunahan ng Regional Police Drug Enforcement Unit 10 ang operasyon katuwang ang iba pang police units at Philippine Drug Enforcement Agency.
Dinala na sa Maharlika Custodial Facility ang naarestong suspek habang isinailalim naman sa pagsusuri ng Regional Forensic Unit 10 ang mga nakumpiskang hinihinalang ilegal na droga.
Ayon sa Police Regional Office 10, patuloy nitong paiigtingin ang intelligence-driven operations at pakikipag-ugnayan sa mga katuwang na ahensya laban sa ilegal na droga sa Northern Mindanao.

















