Kinondena ni Bangsamoro Chief Minister Abdulraof A. Macacua ang ambush na nangyari noong October 5 sa Tipo-Tipo, Basilan, na ikinasugat nang malubha ng ilang tauhan ng militar.

Ayon kay Macacua, target ng pag-atake ang isang military convoy, habang ipinahayag nito ang pakikiramay at panalangin para sa agarang paggaling ng mga nasugatang personnel at kanilang mga pamilya.

Inatasan din ni Macacua ang mga concerned ministry at tanggapan ng Bangsamoro Government na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at security sector para sa kinakailangang tulong at suporta.

Nanawagan siya sa mga kinauukulang awtoridad na magsagawa ng masusing at patas na imbestigasyon upang matukoy at mapanagot sa ilalim ng batas ang mga responsable sa pag-atake.

Kasabay nito, hinikayat ni Macacua ang publiko na manatiling kalmado at mapagmatyag at iwasang magpakalat ng mga impormasyong hindi pa beripikado upang hindi na lumala ang tensyon.

Binigyang-diin ni Macacua na hindi dapat hayaang maapektuhan ng karahasan ang kapayapaang matagal nang ipinaglaban at pinagsikapan ng mga mamamayan sa Basilan at buong Bangsamoro.