Panibagong yugto sa pulitika ng Bangsamoro ang inaasahang haharapin ng mga mamamayan matapos manumpa si BARMM Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” Macacua bilang bagong miyembro ng Bangsamoro Federalist Party o BFP.
Kasunod ng kanyang pagiging miyembro, pamumunuan na rin ni Macacua ang BFP bilang bagong Chairman at Pangulo nito, kapalit ni MP Dr. Tomanda Antok.
Isinagawa ang panunumpa sa Barangay Gambar, Kabuntalan, Maguindanao del Norte, na itinuturing na balwarte ng Chief Minister, sa harap ng mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Armed Forces o BIAF, mga miyembro at tagasuporta ng BFP, gayundin ng mga kandidato at party nominees nito sa bawat distrito.
Ang pag-upo ni Macacua bilang bagong Pangulo ng BFP ay inaasahang makapagpapalakas sa puwersa ng partido sa pagsusulong ng inklusibo at makataong serbisyo para sa Bangsamoro.
Bitbit din ni Macacua ang ilang dekada ng karanasan sa paglilingkod, mula sa kanyang naging papel sa armadong pakikibaka hanggang sa kanyang pagiging lingkod-bayan at kasalukuyang Chief Minister ng Bangsamoro.
Umaasa naman ang BFP na magdudulot ng positibong resulta ang pagbabago sa pamunuan ng partido, lalo’t papalapit na ang First Bangsamoro Parliamentary Elections sa Setyembre.
Ayon sa partido, mahalaga rin ang pagsapi ni Macacua sa pagpapatuloy ng kanilang paninindigan na maging isang inklusibo at walang pinipiling partidong naglilingkod para sa Bangsamoro.

















