Inilarawan ni COMELEC Chairman George Erwin M. Garcia bilang isang tagumpay para sa Bangsamoro at sa buong bansa ang matagumpay na pagdaraos ng kauna-unahang Parliamentary Election sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.

Sa kanyang mensahe matapos ang halalan, sinabi ni Garcia na ilang taon ang ginugol sa paghahanda para sa bagong sistema ng pamamahala, kabilang ang koordinasyon para sa seguridad at pagbibigay-kaalaman sa mga botante tungkol sa parliamentary system.

Gayunman, kinilala rin ni Garcia ang mga naging problema sa halalan, kabilang ang mga insidente ng karahasan at mga alegasyon ng pagtatangkang pandaraya.

Mariin niyang kinondena ang paggamit ng dahas at pananakot, dahil aniya, ang mga ito ay hindi lamang paglabag sa batas kundi paghadlang din sa malayang pagpapahayag ng saloobin ng mga botante.

Tinutukan din ng COMELEC ang mga ulat ng pre-shaded ballots na umano’y maaaring makaapekto sa resulta ng halalan, at tiniyak ni Garcia na daraan ang mga ito sa kaukulang imbestigasyon at proseso.

Sa kabila nito, sinabi ni Garcia na mas nangibabaw ang kahinahunan ng mga kandidato, partido at kanilang mga tagasuporta, dahilan upang maisagawa nang matiwasay ang halalan sa malaking bahagi ng BARMM.

Ayon sa COMELEC Chairman, ipinakita ng mga kalahok sa halalan na maaaring maresolba ang tunggalian sa pamamagitan ng balota at hindi sa pamamagitan ng dahas.

Samantala, binigyang-diin ni Garcia ang mataas na voter turnout, kung saan nasa 84.43 porsyento ng mga rehistradong botante sa BARMM ang nakibahagi sa halalan.

Aniya, ang mataas na partisipasyon ay nagpapakita ng malinaw na mandato para sa mga bagong halal na miyembro ng Parlamento at ng hangarin ng mga Bangsamoro na maisakatuparan ang kanilang mga adhikain sa pamamagitan ng demokratikong proseso.

Nagpasalamat din ang COMELEC sa mga ahensya, organisasyon at indibidwal na tumulong sa paghahanda at pagsasagawa ng halalan.

Sa mga bagong halal na miyembro ng Parlamento, panawagan ni Garcia na pahalagahan ang tiwalang ipinagkaloob ng mga botante at gamitin ang mandato para sa kapayapaan, katarungan at kaunlaran ng Bangsamoro.

Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, ipinahayag ni Garcia ang pag-asa ng COMELEC para sa patuloy na kapayapaan sa rehiyon at sa matagumpay na pagsisimula ng bagong Parlamento ng Bangsamoro.

“Alhamdulillah! Alhamdulillah! Pagpalain ang Bangsamoro!” ani Garcia.