Inilunsad ng Commission on Elections o COMELEC ang Data Privacy Handbook noong Agosto 11, 2026 sa Manila Cathedral sa Intramuros, Manila.
Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, layunin ng handbook na bigyang-diin sa mga opisyal at kawani ng komisyon ang kahalagahan ng pag-iingat at pagprotekta sa personal na datos na ipinagkakatiwala ng publiko.
Sinabi ni Garcia na halos 70 milyong Pilipino ang nagbibigay ng iba’t ibang impormasyon sa COMELEC bilang bahagi ng proseso ng pagpaparehistro kaya kinakailangang mapangalagaan ang mga naturang datos at maiwasan ang maling paggamit nito.
Samantala, sinabi ni National Privacy Commissioner Atty. Johann Carlos S. Barcena na target ng National Privacy Commission na pagsapit ng katapusan ng 2028 ay nakarehistro at sumusunod sa Data Privacy Act ang lahat ng ahensya ng pamahalaan.
Ayon kay Barcena, kabilang ang COMELEC sa mga ahensyang nagsasagawa ng hakbang para sa pagsunod sa mga kinakailangan ng Data Privacy Act.
Pinangunahan ang paglulunsad ng mga miyembro ng COMELEC En Banc, kasama ang Executive Director at Data Privacy Officer na si Atty. Teopisto E. Elnas Jr.
Dumalo rin sa aktibidad ang mga kinatawan ng National Privacy Commission, Intellectual Property Office of the Philippines, Commission on Audit at Cultural Center of the Philippines.
Bahagi rin ng seremonya ang pagtatanghal ng Philippine Philharmonic Orchestra sa pangunguna ng Resident Conductor nitong si Herminigildo Ranera.

















