Nagkaroon ng bagong provincial election supervisors ang Lanao del Sur at Maguindanao del Norte ilang araw bago ang unang regular na halalan para sa Bangsamoro Parliament.
Epektibo ngayong Setyembre 7, itinalaga si Atty. Mohammad Nabil Mutia bilang Provincial Election Supervisor ng Lanao del Sur, habang si dating Lanao del Sur PES Atty. Renault Macarambon ay inilipat naman sa Maguindanao del Norte.
Bago ang kanilang bagong assignment, kapwa nagsagawa ng mga aktibidad ang dalawang opisyal bilang bahagi ng paghahanda ng COMELEC para sa nalalapit na halalan.
Pinangunahan ni Macarambon ang isang coordinating conference sa Lanao del Sur na dinaluhan ng mga kinatawan ng COMELEC, Philippine National Police, Philippine Army, mga guro, electoral boards at iba pang election stakeholders.
Isa sa mga binigyang-diin dito ang pagpapanatili ng kaayusan sa mga voting center, partikular ang pagbabawal sa mga politiko na magtagal sa lugar matapos makaboto.
Ayon kay Macarambon, COMELEC personnel, lehitimong watchers at mga botante lamang ang dapat manatili sa voting centers, habang maaaring paalisin ng mga pulis ang mga politikong lalabag dito.
Samantala, bago siya italaga sa Lanao del Sur, nagsagawa rin si Mutia ng Final Coordinating Conference sa Maguindanao del Norte upang plantsahin ang mga kinakailangang paghahanda para sa halalan.
Inaasahang ipagpapatuloy ng dalawang bagong election supervisors ang koordinasyon sa mga election stakeholders at law enforcement agencies upang mapanatili ang maayos na paghahanda at seguridad sa araw ng halalan.

















