Nanawagan ang Commission on Elections o COMELEC sa mga electric cooperative sa Mindanao na tiyaking tuloy-tuloy ang suplay ng kuryente bago at sa araw ng unang Bangsamoro Parliament Election sa Setyembre 14.
Ayon kay Atty. Renault Macarambon, Provincial Election Supervisor ng Maguindanao del Norte, mahalagang maiwasan ang power interruption lalo na sa Setyembre 12, kasabay ng isasagawang testing and sealing ng mga election equipment.
Aniya, nakahanda na sa mga munisipyo ang mga kagamitang gagamitin sa halalan kaya maaaring maapektuhan ang proseso kung makararanas ng brownout ang mga lugar na pagdarausan ng voting activities.
Iginiit ni Atty Macarambon na hindi sapat ang pagkakaroon ng security personnel kung maaantala naman ang operasyon ng mga election equipment dahil sa pagkawala ng kuryente.

















