Itinuturing ng Commission on Elections (COMELEC) na Election-Related Incident (ERIs) ang naganap na pag-ambush sa convoy ni BARMM Chief Minister Abdulraof Macacua sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.

Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, may kaugnayan sa halalan ang insidente dahil nakapanumpa na si Macacua bilang miyembro ng Bangsamoro Federalist Party o BFP at isa na ring kandidato sa paparating na halalan sa Bangsamoro.

Samantala, mayroon nang limang persons of interest ang COMELEC kaugnay ng insidente. Patuloy ang imbestigasyon ng poll body katuwang ang Philippine National Police (PNP) upang matukoy ang mga nasa likod ng pag-atake at ang posibleng motibo nito.

Gayunman, nilinaw ni Garcia na sa ngayon ay wala pang plano ang poll body na ilagay sa ilalim ng COMELEC control ang Datu Odin Sinsuat, kung saan naganap ang pananambang.