Hinikayat ng Commission on Elections o COMELEC ang publiko na agad iulat ang anumang fake news at iba pang mapanlinlang na online content na may kaugnayan sa nalalapit na Bangsamoro Parliamentary Elections sa Setyembre 14, 2026.

Ayon sa COMELEC, mahigpit na ipinagbabawal sa panahon ng kampanya ang pagpapakalat ng fake news, paggamit ng pekeng o hindi rehistradong social media accounts, coordinated inauthentic behavior, false amplifiers, at mga deepfake, cheapfake, at soft fake na nilalaman.

Saklaw din ng pagbabawal ang paggamit ng artificial intelligence o AI na hindi sumusunod sa itinakdang transparency at disclosure requirements, alinsunod sa COMELEC Resolution No. 11064 at sa mga inamyendahang Resolution Nos. 11064-A at 11236.

Pinayuhan ng COMELEC ang publiko na iulat ang anumang paglabag sa Task Force Katotohanan, Katapatan, at Katarungan sa Halalan o Task Force KKK sa Halalan sa pamamagitan ng Incident Report Portal upang makatulong sa pagpapanatili ng malinis, patas, at mapayapang halalan.