Nakipagkasundo ang Commission on Elections o COMELEC sa Dynamic Outsource Solutions Incorporated o DOS-1 para sa paghahanda sa unang Bangsamoro Parliamentary Elections sa Setyembre 14.

Nilagdaan ng dalawang panig ang Memorandum of Agreement o MOA kahapon, Setyembre 7 sa Palacio del Gobernador sa Intramuros, Maynila.

Sa ilalim ng kasunduan, bubuo ang DOS-1 ng Reporting and Issues Management System, isang sistema na gagamitin sa pagtanggap at pagtatala ng mga problema at ulat na maaaring lumitaw bago at habang isinasagawa ang halalan.

Layunin nitong mapabilis ang pagtugon sa mga teknikal at iba pang isyu, gayundin ang koordinasyon sa pagbibigay ng tulong sa mga lugar na sakop ng BARMM.

Ang kasunduan ay nilagdaan nina COMELEC Chairman George Erwin Garcia at Executive Director Teopisto Elnas Jr., kasama sina Lucia Jane Lina at Edgardo Cayton ng DOS-1.

Naging katuwang na rin ng COMELEC ang DOS-1 sa National and Local Elections noong 2022 at 2025.

Ayon sa COMELEC, bahagi ito ng paghahanda upang matiyak ang maayos, mapayapa, patas at mapagkakatiwalaang unang Parliamentary Elections sa Bangsamoro.