Tila walang kadala-dala sa bubay ang isang lalaki na dati ay nakulong matapos na masangkot ito sa pagtutulak ng iligal na droga.
Ito ay ng mahuli sa drug buybust operations ng Cotabato City Police Station 2 ang nasabing suspek kagabi sa Purok Pagkakaisa, 7th Street sa Barangay Rosary Heights 5 sa lungsod ng Cotabato.
Kinilala ang balik rehas na si Michael Estomata, 30 anyos, walang asawa at isang habal driver na residente sa lugar. Sa ulat, laking gulat ng suspek ng ang bumibili na pala sa kanya ay isang pulis na tumayong poseur buyer.
Narecover sa suspek ang isang maliit na pakete na may suspetsadong shabu at may bigat na 0.08 grams at may street value na 544 pesos habang nabawi din dito ang boodle money na P500.00 pesos na ginamit sa transaksyon.
Bumuno ng apat na taon sa selda si Estomata na nakalaya noong 2020 sa city jail matapos naman itong mahuli noong 2015 ayon sa kanyang kumpirmasyon.
Haharap muli sa selda ang suspek at sasampahan itong muli ng paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.