Isa ang nasawi habang isa ang sugatan sa naganap na banggaan sa pagitan ng isang payong-payong tricycle at single motorcycle sa bahagi ng Sitio Pangi, Barangay Taviran, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, dakong alas-5:15 ng hapon nitong Hunyo 15, 2025.

Kinilala ang nasawi na si Ibrahim Untong Galok, 32-anyos, may asawa, at residente ng MBRH, Cotabato City, ngunit pansamantalang naninirahan sa Barangay Baka ng nabanggit na bayan. Siya ang nagmamaneho ng puti at itim na Honda XRM 125 na payong-payong tricycle.

Samantala, sugatan naman ang driver ng single motorcycle na si Abdulradzak Tantong, 34-anyos, residente ng RH-5, Cotabato City. Minamaneho niya ang isang pulang-puting Honda XRM na motorsiklo.

Batay sa ulat ni PSMS Suweren Magkong, traffic investigator ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station, kapwa binabagtas ng dalawang sasakyan ang national highway sa magkasalungat na direksyon nang maganap ang salpukan.

Sa lakas ng banggaan, tumilapon si Galok at bumagsak ang ulo sa konkretong kalsada, na agad niyang ikinasawi. Patay ito on the spot dahil sa matinding pinsala sa ulo.

Agad namang naisugod si Tantong sa Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) upang malapatan ng lunas sa mga tinamong sugat.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay sa naturang aksidente.