Arestado ang tatlong high-value drug personalities matapos mabuwag ang isang drug den sa isinagawang buy-bust operation sa Sitio San Isidro, Barangay Kulaybato, Lamitan City, Basilan noong Abril 18.

Pinangunahan ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA Basilan Provincial Office ang operasyon, katuwang ang iba’t ibang pwersa ng pulisya at militar kabilang ang Regional Mobile Force Battalion 14-B, Provincial Mobile Force Company, at ang 18th Infantry Battalion ng Philippine Army.

Sa naturang operasyon, naaresto ang mga suspek na kinilalang sina alyas Kenji at Toto, kapwa 26-anyos; alyas Charlie, 30-anyos at may asawa; at alyas Anghelisa, 23-anyos at may asawa rin.

Narekober mula sa mga suspek ang 13 sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng anim na gramo at may tinatayang halaga na aabot sa mahigit 40,000 pesos.

Nasamsam din ang buy-bust money, dalawang cellular phones, at iba’t ibang drug paraphernalia na ginagamit umano sa operasyon ng drug den.

Nahaharap ang mga naarestong indibidwal sa kasong paglabag sa iba’t ibang probisyon ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ayon sa PDEA, bahagi ang matagumpay na operasyon ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga, kasabay ng mas pinaigting na koordinasyon ng mga ahensya ng gobyerno upang tuluyang masawata ang operasyon ng mga drug syndicate sa rehiyon.