Kinilala si PMaj Inar Vic Florece ng Camarines Sur Police Provincial Office (CSPPO) bilang Top 1 performer sa prestihiyosong International Police Exchange Program na ginanap sa Abu Dhabi Police College, United Arab Emirates.
Nahigitan ni Florece ang 52 kapwa opisyal mula sa 35 bansa, na lumahok sa programa na nakatuon sa Advanced Police Science at modernong pamumuno, na layong paigtingin ang pandaigdigang kooperasyon sa pagpapatupad ng batas.
Ang limang buwang pagsasanay ay inorganisa ng UAE Ministry of Interior katuwang ang International Association of Chiefs of Police (IACP), bilang bahagi ng kanilang adbokasiya sa pagpapalakas ng global police collaboration.
Sa graduation ceremony noong Enero 29, personal na pinangunahan ni Crown Prince of Abu Dhabi, Sheikh Khaled bin Mohamed bin Zayed Al Nahyan, ang pagkilala kay Florece sa kanyang kahusayan at dedikasyon.
Ang tagumpay ni PMaj Florece ay nagpatunay sa kakayahan ng mga Pilipinong opisyal sa international arena at nagbigay-diin sa kahalagahan ng modernong pamumuno at propesyonalismo sa pagpapatupad ng batas.

















