Patay ang isang itinuturing na high-value target at isang tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) matapos mauwi sa bakbakan ang isang buy-bust operation sa Barangay Paniongan, Bongao, Tawi-Tawi, madaling araw nitong Agosto 9, 2026.
Batay sa paunang ulat, isinagawa dakong alas-1:30 ng madaling araw ang operasyon sa pangunguna ng PDEA Tawi-Tawi Provincial Office, katuwang ang Marine Battalion Landing Team-4.
Target ng operasyon si Jimhar Jawadil, alyas Boss M, na inilarawan bilang dating sumukong miyembro ng Abu Sayyaf Group at itinuturing na high-value target. Sa naganap na insidente, iniulat na nasawi si Jawadil.
Sa operasyon, nakumpiska ang tinatayang 50 gramo ng hinihinalang shabu na umano’y object of sale at karagdagang 220 gramo ng hinihinalang shabu na nakumpiska bilang possession.
Umaabot naman sa P1.836 milyon ang standard value ng nakumpiskang droga.
Bukod sa ilegal na droga, narekober din ang ilang armas at bala, kabilang ang isang KG-9 submachine gun na may 19 na bala, isang M1 Garand na may 221 bala, at apat na .45 caliber na baril na may kabuuang 19 na bala.
Nasamsam din ang apat na Android cellphone, isang identification card at iba pang mga kagamitan.
Samantala, dakong alas-6 ng umaga ay nakatanggap ang Bongao Municipal Police Station ng impormasyon hinggil sa naganap na firefight sa Mapanbubu, Barangay Paniongan.
Ayon sa Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region, sangkot sa bakbakan ang mga tauhan ng PDEA at Philippine Marines.
Kinilala ang nasawing PDEA personnel na si alyas Ern, 29-anyos, na iniulat na nagmula sa CAR Region.
Samantala, tatlong tauhan ng Philippine Marines ang iniulat ding nasugatan sa insidente.
Gayunman, hindi pa ganap na kumpirmado ang buong bilang ng mga nasugatan at ang eksaktong pangyayari sa bakbakan.
Nagsasagawa na ng beripikasyon ang Bongao MPS at hinihintay ang opisyal na ulat mula sa mga involved units upang makumpirma ang lahat ng detalye ng insidente.
Bukod kay Jawadil, kabilang din sa mga tinukoy na target personalities sina alyas Anton, Nas at alyas Abs, na nananatiling at large, kasama ang dalawang hindi pa nakikilalang indibidwal.
Inihahanda naman ng mga awtoridad ang kaukulang kaso kaugnay sa pagkakasamsam ng hinihinalang shabu, alinsunod sa Sections 5 at 11 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

















