Muling binuksan ngayong June 15, 2026 ang commercial flight operations sa General Santos International Airport, kasunod ng ipinatupad na safety assessment matapos ang lindol noong June 8.

Ayon sa Department of Transportation (DOTr) at Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), natapos na ang masusing inspeksyon at napatunayang ligtas nang ipagpatuloy ang operasyon ng paliparan para sa mga pasahero at airline services.

Ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na agad na isagawa ang mga kinakailangang repair at safety measures upang maibalik ang normal na operasyon ng airport sa lalong madaling panahon.

Nauna nang tiniyak ng DOTr na target nitong maibalik ang operasyon ng GenSan Airport sa loob ng isang linggo matapos ang pagyanig, na ngayon ay naisakatuparan.

Nakipag-ugnayan na rin ang CAAP sa mga airline operators at iba pang airport stakeholders upang masiguro ang ligtas at maayos na biyahe ng mga pasahero.

Pinapayuhan ang mga pasahero na makipag-ugnayan sa kani-kanilang airline para sa updated flight schedules at travel advisories.