Kinumpirma ni Lieutenant Colonel Ronald E. Suscano, spokesperson ng 6th Infantry Division ng Philippine Army, na ang mga helicopter ng Philippine Air Force na nakikita at naririnig na umiikot sa Cotabato City at mga kalapit na lugar ay nagsasagawa ng maintenance flights.
Ayon kay Suscano, bahagi ng regular na maintenance ng mga air asset ng Philippine Air Force ang pagpapalipad sa mga ito dahil hindi maaaring matagal na nakatigil ang mga helicopter upang maiwasan ang pagkasira ng ilang bahagi nito.
Maaari rin umanong makapagsagawa ng information gathering habang nasa himpapawid, partikular kung may mga insidenteng nangangailangan ng karagdagang impormasyon mula sa ground.
Gayunman, nilinaw ni Suscano na ang mga paglipad na nakikita sa Cotabato City ay higit na bahagi ng maintenance requirements, habang ang flight na sadyang isinasagawa para sa pagmamanman ay tinatawag na surveillance flight.
Sinabi rin ni Suscano na dahil nakabase sa Awang ang Philippine Air Force, karaniwang naaabot ng kanilang mga flight ang mga lugar na nasa paligid nito.
Kasabay nito, tiniyak ni Suscano na hindi dapat ikabahala ng publiko ang presensya ng mga military asset dahil bahagi ito ng pagpapanatili ng seguridad sa lugar.
Ayon sa kanya, mahalaga ang regular na presensya at pagpapatrolya ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police upang maagapan ang mga insidente at maiwasang lumala ang tensyon sa pagitan ng mga nagkakaalitang grupo.
Dagdag ni Suscano, malaking bagay din ang presensya ng mga security forces upang mapababa ang tensyon at mabigyan ng pagkakataon ang mga panig na mag-usap at maresolba ang kanilang mga hindi pagkakaunawaan bago pa ito lumawak.

















