Nasabat sa checkpoint sa Kapatagan, Lanao del Norte ang tinatayang P1.08 milyong halaga ng hinihinalang puslit na sigarilyo na sakay ng isang Patient Transport Vehicle na mula Sultan Naga Dimaporo.

Arestado sa operasyon ang dalawang lalaki na sakay ng Toyota Hi-Ace matapos inspeksyunin ng mga tauhan ng 2nd Provincial Mobile Force Company o 2nd PMFC ang sasakyan sa Barangay Bansarvil 1.

Nakuha sa loob ng sasakyan ang 22 master cases ng New Far Red cigarettes at limang master cases ng iba pang brand, na tinatayang nagkakahalaga ng P1.08 milyon.

Ang mga naaresto ay isang 31-anyos na driver at 19-anyos na pasahero, kapwa residente ng Sultan Naga Dimaporo.

Mula sa naturang bayan patungong Kapatagan ang biyahe ng sasakyan nang ito ay maharang sa checkpoint.

Dinala ang dalawang suspek sa Kapatagan Municipal Police Station para sa dokumentasyon at kaukulang proseso.

Nasa kustodiya naman ng 2nd PMFC ang sasakyan at mga nakumpiskang sigarilyo habang inihahanda ang turnover nito sa Bureau of Customs para sa kaukulang disposisyon.

Patuloy namang inaalam ng mga awtoridad ang pinagmulan at destinasyon ng mga sigarilyo, pati ang posibleng kasong isasampa laban sa dalawang naaresto.