Isinagawa ng mga campaigner ni Sinarimbo ang house-to-house campaign sa mga barangay ng Rosary Heights 10 at 11 bilang bahagi ng kanilang paghahanda para sa unang BARMM Parliamentary Elections sa Setyembre 14, 2026.

Ayon sa campaign team, kanilang ipinapakilala sa mga residente ang track record at mga naging karanasan sa serbisyo publiko mula sa panahon ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) hanggang sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Bukod sa pagbabahagi ng kanilang naging mga nagawa, inilalahad din umano ng mga campaigners ang mga planong nais nilang isulong sakaling magtagumpay sa halalan.

Nakatanggap din ng pasasalamat mula sa kampo ni Sinarimbo si Kapitan Jho Binangon, na personal na sumama at nagpahayag ng suporta sa mga campaigners habang isinasagawa ang kanilang pag-iikot sa komunidad.

Hinimok naman ng campaign team ang mga residente na makipag-ugnayan sa kanilang mga campaigners, magtanong tungkol sa kanilang plataporma, at kumuha ng campaign materials upang higit na malaman ang kanilang mga karanasan, programa, at mga panukala para sa Bangsamoro.

Patuloy namang inaasahang mag-iikot ang mga campaigners sa iba pang mga barangay sa District 2 bilang bahagi ng kanilang kampanya para sa halalan.