Nalubog sa tubig-baha ang ilang lugar sa Metro Manila ngayong Sabado, Agosto 8 dahil sa mabibigat na pag-ulang dala ng hanging habagat.
Base sa monitoring ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kaninang alas-12:45 ng hapon, umabot sa gutter deep ang baha sa ilang lugar sa Quezon City partikular na sa A. bonifacio corner Sgt. Rivera, na passable sa lahat ng uri ng sasakyan.
Gayundin, nakapagtala ng baha sa Makati City partikular sa may EDSA Estrella southbound, na umabot sa gutter deep, passable sa lahat ng sasakyan.
Sa Valenzuela City, gutter deep na baha ang naranasan sa MacArthur Highway sa harapan ng Fatima Hospital at Karuhatan Market, passable sa lahat ng uri ng sasakyan. Subalit sa may MacArthur Highway corner Hermoso St. hanggang Bernardo St., hindi na madaanan ng lahat ng uri ng sasakyan matapos umabot hanggang sa kalahating gulong ang taas ng baha.
Naranasan din ang gutter deep na baha sa may C3 NLEX Connector, na passable sa lahat ng uri ng sasakyan.
Sa ngayon, patuloy na nararanasan ang pabugso-bugso at malalakas na pag-ulan sa Metro Manila.

















