Arestado ang tatlong babae at isang lalaki na pinaghihinalaang sangkot sa ilegal na recruitment operation sa Cotabato City, matapos salakayin ng mga operatiba ng NBI-BARMM ang isang opisina kahapon, Mayo 29, sa loob ng Alnor Building, Rosary Heights 9.

Kinilala ang mga suspek sa mga alyas na Samsiya, Cherry Mae, Joy, at Francis — pawang mga residente ng lungsod.

Batay sa imbestigasyon, mahigit isang taon nang nag-ooperate ang grupo sa ilalim ng isang pekeng recruitment agency na nangakong magpapadala ng mga manggagawa sa Saudi Arabia.

Nadiskubre ng NBI-BARMM na walang kaukulang dokumento at lisensya ang naturang ahensya para mag-recruit at magpaalis ng mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa. Kinumpirma rin ito ng Ministry of Labor and Employment (MOLE)-BARMM matapos ang beripikasyon sa background at records ng grupo.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng NBI-BARMM ang mga suspek at mahaharap sa kasong paglabag sa Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995.