Isinagawa ang Joint Maritime Exercise ng iba’t ibang law enforcement, maritime security, emergency response, at partner government agencies sa Polloc, Parang, Maguindanao del Norte noong Setyembre 5, 2026.
Layunin ng aktibidad na subukan ang kahandaan ng mga ahensya at palakasin ang koordinasyon sa pagtugon sa mga insidenteng pandagat, ilegal na aktibidad, at iba pang emergency sa karagatan.
Kabilang sa lumahok ang Philippine Coast Guard, Philippine Army Marines, Philippine National Police, Philippine Drug Enforcement Agency-BARMM, Bureau of Customs, Ministry of Agriculture, Fisheries and Agrarian Reform, Regional Forensic Unit-BARMM, Bangsamoro Rapid Emergency Action and Disaster Incidence, at iba pang partner agencies.
Sa isinagawang simulation, itinampok ang pagharang sa isang sasakyang pandagat na iniulat na may dalang kontrabando at ilegal na droga, pati ang pagtuklas sa isang patay na suspek sakay nito.
Sinubok sa ehersisyo ang pagbabahagi ng impormasyon, maritime interception, law enforcement, emergency response, imbestigasyon, forensic processing, at paghawak ng ebidensya.
Ayon kay Bhenhar A. Ayob, Chief ng Law Enforcement Coordination Division ng Ministry of Public Order and Safety, mahalaga ang pagpapalakas ng koordinasyon ng mga law enforcement agency para sa maritime safety, security, at pagpapanatili ng kaayusan sa Bangsamoro.
Samantala, binigyang-diin ni Colonel Darwin De Luna ng Philippine Navy Marine ang kahalagahan ng pagsasama-sama ng kakayahan ng iba’t ibang ahensya upang magkaroon ng mas organisadong pagtugon sa mga insidente.
Sinabi naman ni Jamil D. Umpara ng MAFAR na mahalaga ang mga ganitong ehersisyo upang higit pang mapalakas ang koordinasyon at pagtutulungan ng mga law enforcement agency sa BARMM.

















