Narekober ng Sultan Kudarat Municipal Police Station ang kahon-kahong smuggled cigarettes na pinaniniwalaang iniwan ng mga nagmamay-ari nito sa kahabaan ng Diversion Road sa Barangay Dalumangcob, Sultan Kudarat Municipality, Maguindanao del Norte.

Batay sa ulat ng kapulisan, isang concerned citizen ang nagbigay ng impormasyon hinggil sa 14 na kahon ng umano’y ilegal na sigarilyo na iniwan sa nasabing lugar.

Ayon sa mga otoridad, posibleng inabandona ng mga suspek ang kargamento dahil sa mahigpit na checkpoints at pinaigting na police visibility operations sa iba’t ibang bahagi ng probinsya.

Tinatayang aabot sa halos kalahating milyong piso ang halaga ng mga nakumpiskang iligal na sigarilyo.

Agad na dinala sa tanggapan ng Sultan Kudarat PNP ang mga nasabat na kontrabando at nakatakdang i-turn over sa Bureau of Customs para sa kaukulang disposisyon.