Pormal nang sinimulan ngayong Hulyo 30 ang campaign period para sa kauna-unahang regular na Bangsamoro Parliamentary Elections na nakatakdang idaos sa Setyembre 14, 2026.

Ayon sa Commission on Elections (COMELEC), tatagal ang panahon ng pangangampanya hanggang Setyembre 12, 2026. Sa panahong ito, pinahihintulutan ang mga kandidato at political parties na magsagawa ng mga legal na aktibidad sa pangangampanya alinsunod sa umiiral na mga tuntunin at regulasyon ng komisyon.

Kasabay nito, pinaalalahanan ng COMELEC ang lahat ng kandidato, kanilang mga tagasuporta, at ang publiko na sundin ang mga alituntunin sa pangangampanya upang matiyak ang isang mapayapa, maayos, at patas na halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Nananawagan din ang komisyon sa mga botante na maging mapanuri sa pagpili ng kanilang mga iboboto at aktibong makibahagi sa nalalapit na makasaysayang parliamentary elections.