Naglunsad ng kampanya laban sa illegal recruitment, human trafficking at irregular migration ang lokal na pamahalaan ng Lamitan City katuwang ang MOLE-Basilan.
Isinagawa ang information campaign kahapon Setyembre 29 sa Barangay Maganda, na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa 45 barangay ng lungsod.
Tinalakay sa aktibidad ang mga palatandaan ng illegal recruitment, kabilang ang paniningil ng bayad na walang resibo at kawalan ng employment contract.
Binigyang-pansin din ang mga panganib ng human trafficking, online recruitment scams at irregular migration, kabilang ang posibleng legal, pinansyal at pisikal na epekto nito sa mga manggagawa.
Ayon sa Ministry of Labor and Employment-Basilan, layunin ng kampanya na matulungan ang mga naghahanap ng trabaho na makilala ang mga mapanlinlang na recruitment scheme at maging mas maingat sa mga alok na trabaho.
Bahagi ang aktibidad ng Campaign Against Illegal Recruitment, Trafficking in Persons, and Irregular Migration, isang programa para sa pag-iwas sa illegal recruitment, trafficking at hindi ligtas na pagpunta sa ibang lugar para magtrabaho.

















