Patuloy ang imbestigasyon ng Commission on Elections (COMELEC) sa mga kasong vote buying at vote selling sa rehiyon ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), partikular sa lalawigan ng Lanao del Sur.
Ayon kay Atty. Ray F. Sumalipao, Regional Election Director ng COMELEC-BARMM, ilang kandidato na ang pinadalhan ng show cause order upang ipaliwanag ang kanilang panig sa mga natanggap na reklamo. Nilinaw ni Sumalipao na hindi pa maaaring isapubliko ang mga pangalan ng nasasangkot na politiko para sa kanilang proteksyon habang isinasagawa pa ang proseso.
Ang mga show cause order ay ipinadala mula sa main office ng COMELEC sa Maynila, at kailangang pormal na sumagot ang mga akusadong kandidato. Matapos matanggap ang kanilang mga sagot, ito ay i-evaluate muna ng regional office sa BARMM, bago muling isumite sa national office para sa posibleng aksyon at pormal na pagdinig.
Dagdag ni Atty. Sumalipao, seryosong tinutugunan ng COMELEC ang mga ganitong uri ng paglabag dahil maaaring madungisan ang integridad ng halalan at ng buong demokratikong proseso. Nagsasagawa na rin ang COMELEC ng pagkalap ng karagdagang ebidensya upang mapatibay ang kaso laban sa mga sangkot.
Hinimok din ng opisyal ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad sa pamamagitan ng pag-uulat ng mga kahina-hinalang aktibidad na may kaugnayan sa halalan upang mapanatili ang malinis, tapat, at mapayapang botohan sa rehiyon.