Patay ang isang lalaking hinihinalang kilalang kawatan ng pinya matapos maka-engkwentro ang mga guwardiya ng isang pineapple plantation sa Sitio Capareda, Barangay Acmonan, sa bayan ng Tupi, South Cotabato.
Ayon sa ulat, matagal nang minamanmanan ng mga opisyal ng barangay at mga guwardiyang naka-assign sa naturang plantasyon ang suspek na gumagamit umano ng 4×4 pick-up truck sa pagnanakaw.
Nang tangkain sanang sitahin ng mga guwardiya, bigla umanong bumunot ng baril at nagpaputok ang lalaki. Dahil dito, nauwi sa palitan ng putok ang insidente na nagresulta sa pagkamatay ng suspek.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng Tupi Municipal Police Station upang makilala ang suspek at matukoy ang iba pang detalye kaugnay ng insidente.