Binawian ng buhay ang isang lalaki matapos makuryente habang nangingisda gamit ang improvised electric fishing device sa NIA Main Canal, Purok Sarah 2, Barangay Sajaneba, Sto. Niño, South Cotabato nitong Sabado, Agosto 23, 2025.

Kinilala ng Norala PNP ang biktima na si Glenn Beltran, 46-anyos, residente ng nasabing barangay.

Batay sa imbestigasyon ng Sto. Niño Municipal Police Station, umalis ang biktima sa kanilang bahay pasado alas-8:00 ng umaga upang mangisda, subalit habang nasa tubig ay aksidente umanong nakuryente dahil sa gamit nitong improvised fishing device.

Bandang alas-10:00 ng umaga, natagpuan si Beltran na palutang-lutang sa kanal ng isang concerned citizen.

Agad siyang isinugod sa Norala District Hospital, ngunit idineklara nang dead on arrival ng doktor.

Lumabas sa imbestigasyon sang pulisya na walang nakitang sugat o anumang palatandaan ng foul play sa katawan ng biktima, ngunit isinailalim pa rin ito sa post-mortem examination.