Niyanig ng magnitude 4.8 na lindol ang bayan ng Glan sa lalawigan ng Sarangani ngayong Lunes, Hunyo 22, 2026, alas-10:17 ng umaga.
Batay sa ulat, naramdaman ang pagyanig sa iba’t ibang bahagi ng Sarangani at mga karatig-lugar. Umabot sa Intensity IV ang lakas ng pagyanig sa bayan ng Glan.
Naitala naman ang Intensity III sa Lungsod ng General Santos at sa mga bayan ng Maasim, Malapatan, Kiamba, at Alabel sa Sarangani. Samantala, Intensity II ang naramdaman sa bayan ng Maitum.
Ayon sa instrumental intensity monitoring, nakapagtala rin ng Intensity IV sa General Santos City. Nasa Intensity III naman ang Malapatan, Maasim, Kiamba, at Alabel, habang Intensity II ang naitala sa Malungon, Sarangani; T’boli at Tupi sa South Cotabato; at Maitum, Sarangani.
Naitala rin ang Intensity I sa mga bayan ng Santa Maria sa Davao Occidental at Matanao sa Davao del Sur.
Sa ngayon, wala pang naitatalang malaking pinsala o nasawi kaugnay ng lindol. Patuloy namang mino-monitor ng mga kinauukulang ahensya ang sitwasyon at hinihikayat ang publiko na manatiling alerto sa posibleng mga aftershock.
Pinapayuhan ang mga residente na sundin ang mga paalala ng lokal na pamahalaan at mga disaster response agency upang matiyak ang kanilang kaligtasan.

















