Inanunsyo ng administrasyong Marcos na inaasahang makakaranas ng malaking bawas-presyo sa produktong petrolyo ang publiko simula bukas, Abril 14.

Ayon kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., bahagi ito ng hakbang ng pamahalaan upang maibsan ang patuloy na pasanin ng mga Pilipino sa gitna ng pabago-bagong galaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Sa naturang rollback, tinatayang aabot sa higit dalawampung piso ang ibabawas sa presyo ng diesel, habang nasa mahigit apat na piso naman ang tapyas sa gasolina. Bababa rin ng humigit-kumulang walong piso at limampung sentimos ang kada litro ng kerosene.

Sinabi ng Pangulo na malaking ginhawa ito para sa mga tsuper, commuters, at mga pamilyang patuloy na naaapektuhan ng mataas na gastusin sa araw-araw.

Gayunman, binigyang-diin din nito na hindi pa rito natatapos ang mga hakbang ng gobyerno, at nagpapatuloy ang mga programa upang mapababa pa ang gastos sa transportasyon at mga pangunahing bilihin.

Dagdag pa ng Pangulo, asahan pa ang mga susunod na anunsyo sa mga darating na araw kaugnay ng karagdagang tulong at interbensyon ng pamahalaan.

Tiniyak din ni Marcos na patuloy ang gobyerno sa pagsisikap na maibsan ang epekto ng krisis sa presyo upang maramdaman ng bawat Pilipino ang inaasahang ginhawa sa araw-araw na pamumuhay.