Naglabas ng pahayag ang Department of Social Welfare and Development Region 12 (DSWD-12) kaugnay ng kumakalat na video sa social media tungkol sa umano’y “matigas na bigas” na naipamahagi sa mga benepisyaryo sa General Santos City kasunod ng mga lindol sa lugar.

Ayon sa ahensya, nauunawaan nila ang mga agam-agam ng publiko hinggil sa kalidad at kaligtasan ng mga relief goods na ipinamamahagi sa mga apektadong residente.

Nilinaw ng DSWD-12 na ligtas kainin, de-kalidad, at hindi sira ang naturang bigas. Iginiit din ng ahensya na ang tigas ng pakiramdam ng bigas ay hindi indikasyon na ito ay plastik o panis.

Paliwanag ng DSWD-12, ang bigas ay nakalagay sa vacuum-sealed packaging kung saan inaalis ang hangin sa loob ng selyadong supot. Dahil dito, mas napapahaba ang shelf life ng produkto at napipigilan ang pagkakaroon ng amag, peste, at bukbok nang hindi gumagamit ng mapanganib na kemikal.

Dahil sa proseso ng vacuum sealing, nagkakadikit-dikit at nasisiksik ang mga butil ng bigas kaya nagmumukhang matigas o tila isang bloke ang buong pakete.

Ayon pa sa ahensya, kapag nabuksan o nabutasan ang packaging at muling nakapasok ang hangin, kusang luluwag ang pagkakadikit ng mga butil at babalik ito sa normal na anyo. Maaari na rin itong hugasan at isaing tulad ng karaniwang bigas.

Kasabay nito, tiniyak ng DSWD-12 ang patuloy nitong pagtitiyak na ligtas, masustansya, at may kalidad ang mga relief goods na ipinagkakaloob sa mga komunidad.

Hinikayat din ng ahensya ang publiko na tiyaking beripikado ang mga impormasyong nakikita sa social media at makipag-ugnayan sa kanilang mga opisina para sa anumang paglilinaw hinggil sa mga ipinamamahaging ayuda.