Secured na at sapat na rin ang bilang ng mga pwesto para mabuo ang mayorya o majority sa unang halal na Bangsamoro Parliament ayon sa Bangsamoro Federalist Party o BFP.

Sa naging kumpirmasyon ni BFP Spokesman at Cotabato City Second District MP Elect Atty. Naguib Sinarimbo, nagsimula na sa pakikipagdayalogo ang mga partido matapos ang halalan at kumpyansa ito na nakuha na nila ang sapat na bilang upang maihalal ang kaunaunahang Regular Chief Minister sa katapusan ng buwang kasalukuyan.

Para sa BFP, kandidato nila sa pagiging Chief Minister ang kanilang Chairman at kasalukuyang Interim Chief Minister na si Abdulraof “Sammy Gambar” Macacua.

Ayon naman kay Macacua, pagpapasyahan ng magiging mayorya sa parliamento ang susunod na magiging kahalili nito bilang Chief Minister ng rehiyon.

Sa naging halalan noong Setyembre 14, 32 na pwesto ang nakuha ng BFP habang 30 ang sa UBJP, 15 sa BARMM Grand Coalition at 1 sa Raayat Democratic Party.

Nagsagawa naman kamakailan ng mga magkakahiwalay na pulong ang bawat partido bilang bahagi ng patuloy na negosasyon para sa pagbuo ng mayorya.

Nakatakda sa Oktubre 30,2026 ang magiging kauna unahang sesyon ng parliamento kung saan kabilang sa unang agenda na isasalang sa plenaryo ay ang pagpili ng Bangsamoro Chief Minister.