Muling isinagawa ang send-off ceremony ng Mobile Community Support and Sustainment Program (MCSSP) Team sa Training Center ng bayan ng Guindulungan, Maguindanao del Sur kahapon, May 12, 2026, bilang bahagi ng patuloy na pagpapatupad ng mga inisyatibang naglalayong palakasin ang presensya ng pamahalaan sa mga komunidad sa rehiyon.

Pinangunahan ang aktibidad nina Brigadier General Edgar L. Catu at Lieutenant Colonel William G. Sabado, kasama ang mga kinatawan mula sa lokal na pamahalaan, kapulisan, at Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Dumalo rin sina Guindulungan Vice Mayor Jay-ar Midpantao Midtimbang Jr., , Police Captain Aksan Lacson, Hepe ng Pulisya ng Guindulungan, at Nawal Sumadsag, Commander ng 106th Base Command.

Ang MCSSP ay isang programang naglalayong maghatid ng pangunahing serbisyo ng pamahalaan, mga proyektong pangkaunlaran, at suporta sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, lalo na sa mga liblib at apektadong lugar sa Bangsamoro region.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni BGen. Catu ang kahalagahan ng pagkakaisa at aktibong pakikilahok ng iba’t ibang sektor upang mapanatili ang kapayapaan at maisulong ang kaunlaran sa komunidad.

Aniya, mahalaga ang sama-samang pagkilos ng pamahalaan, lokal na opisyal, at mamamayan para sa pangmatagalang katahimikan sa rehiyon.

Ipinahayag naman ni MGen. Jose Valdimir R. Cagara, Commander ng Joint Task Force Central at 6th Infantry Division, ang patuloy na suporta sa mga programang nagtataguyod ng kapayapaan at kaunlaran, at kinilala ang magandang ugnayan ng militar, LGUs, kapulisan, at MILF sa pagpapatupad ng mga gawaing pangkomunidad.

Ayon sa mga opisyal, ang naturang send-off ceremony ay sumisimbolo sa patuloy na pagtutulungan ng mga sektor tungo sa pagpapaigting ng kapayapaan, kaayusan, at kaunlaran sa buong Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).