Patay sa operasyon ng mga militar ang tatlong mga rebelde na kasapi ng Communist Terrorist Group na New Peoples Army o NPA sa mabundok na bahagi ng Sitio Bagong Silang, Barangay Malna sa bayan ng Kapai, Lanao Del Sur kamakalawa.
Mga miyembro diumano ng Sub-Regional Committee 5, North Central Mindanao Regional Committee o SRC5-NCMRC ang mga nasawi base sa FB post ng 55th Infantry Batallion.
Nagsagawa ng militar ng tinatawag na decisive military operations sa lugar ng may matanggap itong sumbong ng mga residente na may nanggugulo na mga rebelde sa lugar at nangingikil ng permit to campaign fee kapalit ng malayang pangangampanya sa mga tagong lugar at sitio sa bayan.
Tumagal naman ng labinlimang minuto ang putukan na nauwi sa pagkasawi ng tatlong rebeldeng miembro.
Apat naman na matataas na kalibre ng baril ang nakuha ng militar sa pinangyarihan matapos na umatras ang ilang mga rebelde na nakasagupa ng militar.
Bukod pa rito, narekober din ang ibat ibang mga bala at iba pang mga kagamitang pangdigma.
Nagpaabot naman ng pakikiramay si 55IB Batallion Commander Lt. Col. Anthony Caro sa mga pamilya ng nasawi sabay ang paghikayat sa mga iba pang kasapi na sumuko na bago pa masukol o madisgrasya.
Nagpasalamat naman din ito sa suporta ng LGU sa kampanyang mawakasan na ang terorismo sa naturang lugar.