Nakahanda na ang iba’t ibang modernong kagamitang militar ng Armed Forces of the Philippines o AFP bilang dagdag na suporta sa seguridad para sa unang Bangsamoro Parliamentary Elections sa Setyembre 14.
Bukod sa tinatayang 12-libong sundalo at CAFGU members, kabilang sa inihandang assets ng AFP ang mga kagamitang panghimpapawid, panglupa at pandagat.
Kabilang dito ang FA-50, Super Tucano, S-70i Black Hawk, T129 ATAK at MD-520MG na maaaring gamitin sa surveillance, troop mobility, air support at mabilis na pagtugon sa mga pangangailangan sa seguridad.
Nakaantabay din ang Sabrah Light Tank at ATMOS truck-mounted howitzer bilang bahagi ng ground capabilities ng militar, habang kabilang naman sa maritime assets ang Fast Attack Interdiction Craft-Missile o FAIC-M.
Ayon sa AFP, nagbibigay ang mga kagamitang ito ng karagdagang kakayahan sa pagmamanman, transportasyon ng mga tauhan, ground support at seguridad sa karagatan.
Layunin ng deployment na makatulong sa pagpapanatili ng ligtas at mapayapang kondisyon sa mga lugar na sakop ng halalan, kabilang ang proteksiyon sa mga botante at polling precincts.
Una nang nilinaw ng AFP na ang paglalagay ng mga tauhan at military assets ay bahagi ng election security measures at hindi nangangahulugan ng militarization ng halalan.

















