Muling pinagtibay sa pamamagitan ng deklarasyon ng Moro Islamic Liberation Front- Ranaw ang kanilang pagkakaisa at buong pagtataguyod ng suporta sa pagpapatupad ng prosesong pangkapayapaan sa Bangsamoro.
Sa inilahad na “Manifesto of Unity, Legal Fidelity and Commitment to Peace” na pirmado ng mga pinuno at miyembro ng MILF Ranaw nitong Pebrero 12, iginiit ng grupo na nananatili silang intact o buo sa ilalim ng pamumuno ni former Chief Minister at kasalukuyang MILF Central Committee Chairman Alhaj Murad Ebrahim at nananatiling tapat sa mga dekreto at batas gaya ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro o CAB at ng RA 11054 Bangsamoro Organic Law o BOL.
Pagbibigay diin ng grupo sa kanilang manifesto, integral na bahagi ng MILF ang Ranaw at patuloy na gagawa at kikilos ng alinsunod sa itinatadhana ng batas at sa mga kasunduang naging dahilan ng pagkakabuo ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.
Giit ng grupo, ang ganap at tapat na pagpapatupad ng political at normalization tracks ng CAB ang susi upang maging permanente na at nakaugat sa pang-araw araw na pamamahala ang kapayapaan.
Patuloy din aniya ang kanilang pagsuporta sa tuloy-tuloy, verified at kada yugto na pagdecommission ng mga armas at sa paglipat sa tahimik at produktibong buhay ng mga dating mandirigma na ngayon ay sibilyan na aniya ay dapat na tumbasan ng buo at napapanahong pagtupad sa obligasyon ng pamahalaan.
Bukod pa riyan, patuloy din na naninindigan ang grupo sa pagpapalakas ng transpormasyon sa mga kampo, kabuhayan at skills training, reporma at pagpapaunlad ng infrastracture sa sektor pangseguridad na nakabatay sa human rights maging sa civilian supremacy.
Pinagtibay din nila ang proteksyon sa minoryang karapatan, pagkakaroon ng partisipasyon ng kabataan at kababaihan maging ang pangangalaga ng karapatan ng mga katutubo o IP sa loob ng autonomous governance framework.
Mariing binalaan ng MILF Ranaw na ang anumang gagawing pag lihis sa ligal at napagkasunduang balangkas ay siyang magpapahina sa mga nakamit ng peace process at maglalagay sa balag ng alanganin sa katatagan ng transisyon.
Saad pa ng grupo, ang disiplina, pagiging matapat sa batas at pagkakaisa ang sandigan upang mapanatili ang pagtitiwala at maitaguyod ang pangmatagalang kapayapaan sa rehiyon.
Sa huli, tinapos ng grupo ang kanipang pahayag sa mapanindigang pangako na isasabuhay ang mithiin ng Bangsamoro ng may katapatan sa batas at matatag na pangako sa kapayapaan.

















