Isang 41-anyos na construction worker ang inaresto sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte matapos ireklamo dahil sa umano’y paulit-ulit na pang-aabuso sa isang 17-anyos na dalagita.
Ayon sa ulat, ang pinakahuling insidente ay nangyari noong gabi ng Mayo 4 hanggang madaling araw ng Mayo 5 habang natutulog ang biktima. Sinasabing tinakot umano ng suspek ang dalagita upang hindi ito makalaban o makapagsumbong.
Agad na nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga pulis ng Sultan Kudarat Municipal Police Station, kasama ang Women and Children Protection Desk at mga opisyal ng barangay, na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek sa kanyang tahanan.
Sa imbestigasyon, napag-alaman na matagal na umanong nakararanas ng pang-aabuso ang biktima, na nagsimula pa umano noong siya ay 12 taong gulang.
Kasalukuyang sumasailalim sa medical examination ang biktima, habang ang suspek ay nahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act 8353 o Anti-Rape Law at Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.

















