Napatay ang sampung (10) miyembro ng Dawlah Islamiyah–Maute Group (DI-MG) sa naganap na engkwentro sa Brgy. Banga-Pantar, Marantao, Lanao del Sur bandang ala-1:07 kaninang madaling araw April 17, 2026.
Ayon sa ulat, nagsagawa ng magkakasanib na operasyon ang mga pwersa ng JSOTG3, JSOC ng Philippine Army, at iba pang unit ng militar katuwang ang intelligence at law enforcement agencies sa pagsisilbi ng mga warrant of arrest laban sa mga natitirang miyembro ng DI-MG.
Gayunman, nauwi sa palitan ng putok ang operasyon matapos umanong makasagupa ng mga operatiba ang mga armadong miyembro ng grupo na pinaniniwalaang pinamumunuan ni Amerol Mangoranca alyas “Usman,” isang lider ng DI-MG remnants. Tumagal ng humigit-kumulang isang oras ang bakbakan.
Batay sa paunang ulat, walang naitalang casualty sa panig ng pamahalaan habang sampung (10) miyembro ng DI-MG ang napatay, kabilang ang anim na lalaki at apat na babae.
Narekober sa lugar ang limang (5) armas kabilang ang dalawang M16 rifle, isang M4 rifle, isang M1 Garand rifle, at isang kalibre .38 revolver, gayundin ang isang granada at mga bahagi ng improvised explosive device (IED).
Sa gitna ng operasyon, isang isang taong gulang na sanggol ang nasagip at agad na inilikas ng mga awtoridad patungo sa Amai Pakpak Medical Center para sa agarang medikal na atensyon.
Ayon sa militar, ang mga napatay na indibidwal ay kabilang umano sa mga sangkot sa ambush noong Enero 23, 2026 sa Brgy. Lininding, Munai, Lanao del Norte na ikinasawi ng apat na sundalo at ikinasugat ng isa pa.
Patuloy ang isinasagawang follow-up operations at imbestigasyon habang tiniyak ng mga awtoridad ang seguridad sa lugar matapos ang insidente.

















