Nagpulong kahapon, March 30, 2026 ang Municipal Peace and Order Council (MPOC) sa Shariff Aguak upang talakayin ang nakalulungkot na pananambang sa mga kapulisan noong gabi ng Sabado, Marso 28, 2026, na nagdulot ng pagkamatay ng limang miyembro ng Provincial Mobile Force Company ng Maguindanao del Sur at pagkasugat ng tatlo pang kasama nila.

Kabilang sa mga napagkasunduang estratehiya ang pagpapalakas ng presensya ng pulis sa mga lugar na madalas daanan ng mga kriminal, paglalagay ng closed-circuit television (CCTV) para sa mas maagang monitoring, at karagdagang solar-powered streetlights upang mapabuti ang seguridad sa gabi.

Ipinahayag ni PMaj. Tugas, hepe ng Shariff Aguak Municipal Police Station, ang kanyang damdamin sa insidente at nagbigay rin ng mungkahi kung paano mas mapapalakas ang koordinasyon sa pagitan ng mga barangay, kasundaluhan, at mamamayan upang maiwasan ang anumang krimen sa hinaharap.

Ipinahayag naman ni Ginoong Comenie S. Ampatuan, tagapangulo ng Liga ng mga Barangay, ang pagkondena ng buong council sa mga salarin sa brutal na pananambang at ipinarating ang pakikiramay sa mga pamilya ng mga nasawi. Bilang paggalang sa mga bayaning pulis, naka-posisyon sa “half mast” ang watawat ng Pilipinas sa Pamahalaang Bayan ng Shariff Aguak.