Patay nang natagpuan ang isang senior citizen na unang naiulat na nawawala matapos umano itong mahulog sa bangin malapit sa Atugan River sa bayan ng Impasugong, Bukidnon.
Kinilala ang biktima na si Rodrigo “Rudy” P. Unsay, 79-anyos, at residente ng Barangay La Fortuna sa nasabing bayan.
Batay sa ulat, huling nakitang buhay si Unsay noong Mayo 14, 2026 bandang alas-6 ng gabi. Dahil hindi na ito nakauwi, agad na nagsampa ng blotter ang kanyang pamilya sa himpilan ng pulisya upang magsagawa ng malawakang search and rescue operation ang mga awtoridad.
Sa pinakahuling impormasyon, natagpuan na lamang ang walang buhay na katawan ng biktima matapos ang masusing paghahanap na isinagawa ng mga otoridad katuwang ang mga volunteer rescuers sa lugar.
Pinaniniwalaang nahulog ang senior citizen sa bangin sa bahagi ng Atugan River, dahilan ng kanyang pagkamatay. Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente upang matukoy ang kabuuang detalye ng pangyayari.
Nagpahayag naman ng pakikiramay ang mga residente at lokal na opisyal sa pamilya ng biktima habang nagpapatuloy ang kaukulang proseso kaugnay sa insidente.
















