Isinusulong ng Ministry of Public Order and Safety o MPOS ang mas pinalakas at mas organisadong koordinasyon ng mga law enforcement agency sa Bangsamoro, partikular sa pagtugon sa mga usapin sa maritime security at illegal activities.

Ayon kay Bhenhar A. Ayob, Chief ng Law Enforcement Coordination Division ng MPOS, kabilang sa kanilang mga hakbang ang pagsusulong ng Executive Order mula sa Office of the Chief Minister bilang legal na batayan sa pagbuo ng isang coordinating council.

Pahayag ni Ayob, bahagi ang mga isinasagawang aktibidad sa pagsisikap na mabuo ang naturang council, ngunit hindi aniya hadlang ang kawalan pa nito upang ipagpatuloy ng mga ahensya ang kanilang mandato at legal na koordinasyon.

Inatasan din aniya ang MPOS na magtatag ng mga angkop na coordinating mechanism kasama ang Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, Philippine Coast Guard at iba pang law enforcement agencies upang mapalakas ang seguridad sa Bangsamoro.

Binigyang-diin ito ni Ayob kasabay ng isinagawang Joint Maritime Exercise sa Polloc, Parang, Maguindanao del Norte noong Setyembre 5.

Sinubok sa naturang exercise ang koordinasyon ng mga ahensya sa simulated interception ng sasakyang-dagat na umano’y may dalang kontrabando at ilegal na droga, kabilang ang pagtugon sa isang simulated discovery ng namatay na suspek.

Ayon sa MPOS, mahalaga ang maritime safety, security at law enforcement dahil maaari umanong gamitin ang mga rutang pandagat sa paggalaw ng ilegal na droga, loose firearms, kontrabando at iba pang iligal na produkto.