Isang ina ang sumuko sa mga otoridad matapos aminin na siya ang pumatay sa kanyang bagong silang na anak na unang inisip ng mga residente bilang isang “tiyanak”.

Natagpuan ang sanggol malapit sa isang palikuran sa Sitio Aurora, Barangay Johnson, kung saan akala ng mga tao na isa itong mahiwagang nilalang na karaniwang lumilitaw sa hatingabi.

Dahil sa premature na kondisyon ng sanggol, agad itong dinala sa Valentina Galledo Plaza Memorial Hospital ngunit idineklara itong dead on arrival.

Kinumpirma ni Barangay Captain Rex Magadan na ang 18-anyos na ina ay kusa at nagpakumbabang inamin ang ginawa matapos ang matinding pagsisisi. Ayon sa mga ulat, ginamitan niya ng matalim na bagay ang sanggol, dahilan ng pagkamatay nito.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang malaman ang buong detalye ng insidente at matukoy ang mga posibleng dahilan ng trahedya.