Arestado ang isang umano’y kilalang drug pusher matapos makumpiska sa isinagawang buy-bust operation ang tinatayang 50 gramo ng hinihinalang shabu sa Tacurong City, Sultan Kudarat.

Isinagawa ang operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA Region 12 katuwang ang Tacurong City Police Station, alas-9:05 ng umaga noong Sabado, Agosto 15 sa Sitio Dos, Don Enrique, Barangay EJC Montilla.

Kinilala ang suspek sa alyas na Bulhog, isang motorcycle driver at residente ng Barangay Fatima, General Santos City.

Narekober umano mula sa suspek ang isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng tinatayang 50 gramo ng hinihinalang shabu, na may Standard Drug Price o SDP na 340 libong piso.

Nakumpiska rin sa operasyon ang buy-bust money at iba pang non-drug evidence.

Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, na may kaugnayan sa pagbebenta ng ilegal na droga.

Ayon sa PDEA Region 12, patuloy nitong paiigtingin ang intelligence-driven operations at pakikipag-ugnayan sa iba pang law enforcement agencies upang mapigilan ang pagkalat ng ilegal na droga sa mga komunidad sa rehiyon.