Nasamsam ng pinagsanib na puwersa ng Coast Guard at Philippine National Police ang tinatayang P3.025 milyong halaga ng hinihinalang smuggled na sigarilyo sa isinagawang operasyon sa bayan ng Carmen, Davao del Norte noong Hulyo 30.
Ayon sa Coast Guard District Southeastern Mindanao (CGDSEM), nakatanggap ng impormasyon ang Coast Guard Sub-Station Carmen mula sa Coast Guard Intelligence Group Southeastern Mindanao hinggil sa isang sasakyang umano’y nagdadala ng kontrabandong sigarilyo.
Sa pagsasagawa ng beripikasyon, nadiskubre ng mga awtoridad ang isang sasakyan na iniwan ng mga suspek sa pampang ng Tala River sa Purok 5, Barangay Taba, matapos umano silang tumakas.
Agad namang nagsagawa ng joint operation ang Coast Guard Sub-Station Carmen katuwang ang PNP Carmen, PNP Maritime Group, at Anti-Regional Special Operations Group (ARSOG), na nagresulta sa pagkakarekober ng kargamento at ng abandonadong sasakyan.
Nabilang sa mga nasamsam ang 121 master cases ng Bosqu cigarettes na walang kinakailangang Health Graphic Warning, na may tinatayang halagang P3.025 milyon, gayundin ang isang puting Mazda Transformer na may plakang KBK 7068.
Isinailalim sa kustodiya ng PNP Carmen ang mga nakuhang ebidensya para sa kaukulang dokumentasyon, imbentaryo, at mas malalim na imbestigasyon.
Ayon sa Coast Guard, ang matagumpay na operasyon ay bunga ng mahigpit na koordinasyon ng mga law enforcement agencies sa kampanya laban sa smuggling at iba pang ilegal na gawain sa rehiyon.

















