Nasabat ng Bureau of Customs (BOC), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at Inter-Agency Drug Interdiction Task Group ang mahigit 41.8 kilo ng hinihinalang marijuana na nagkakahalaga ng tinatayang P62.7 milyon, habang inaresto ang apat na pasaherong dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa isinagawang magkasanib na operasyon.

Ayon sa BOC, ang apat na pasahero ay dumating mula sa Bangkok, Thailand kahapon Hulyo 30, 2026.

Nadiskubre ang mga hinihinalang iligal na droga matapos mapansin ng mga tauhan ng X-Ray Inspection Project ang kahina-hinalang laman ng kanilang mga bagahe sa isinagawang routine baggage screening.

Isinailalim sa masusing inspeksyon ang mga bagahe ng mga pasahero, habang nagbigay rin ng positibong indikasyon ang K9 unit ng PDEA sa posibleng presensya ng ipinagbabawal na droga.

Sa isinagawang 100 porsiyentong inspeksyon, natagpuan ang humigit-kumulang 41,851 gramo ng hinihinalang marijuana na itinago sa loob ng kanilang mga bagahe.

Agad na inaresto ang apat na pasahero at isinailalim sa kustodiya ng PDEA para sampahan ng kasong paglabag sa Section 4 o Importation of Dangerous Drugs ng Republic Act 9165, kaugnay ng Customs Modernization and Tariff Act.

Ayon kay BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno, magpapatuloy ang kanilang mahigpit na pagbabantay sa mga paliparan sa pamamagitan ng mas pinaigting na intelligence operations, paggamit ng makabagong teknolohiya, at pakikipagtulungan sa iba pang law enforcement agencies upang mapigilan ang pagpasok ng iligal na droga sa bansa.