Binigyang-diin ni Al Haj Murad Ebrahim, Chairman ng Moro Islamic Liberation Front (M!LF), ang kahalagahan ng mahigpit na pagsunod sa mga kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng MILF at ng Pamahalaan ng Pilipinas, sa gitna ng mga isyung aniya’y nagdudulot ng kalituhan at posibleng pagkakahati-hati sa mga Bangsamoro.‎‎

Sa kaniyang talumpati, nilinaw ng MILF Chairman na hindi personal na pagtutol ang kaniyang tindig kaugnay sa ilang usapin ng pagtatalaga sa pamunuan, kundi ang paraan ng proseso na umano’y hindi nakaayon sa mga naunang napagkasunduan sa ilalim ng peace agreements.‎‎

“Hindi kami opposed kay Brother Sammy (ICM Abdulraof Macacua), opposed ako sa naging appointment process (Philippine Government) dahil hindi nila sinunod ang pinagkasunduan,” pahayag ni Murad.‎‎

Ayon sa kaniya, mahalagang maunawaan ng publiko at ng mga kasapi ng MILF na ang isyu ay hindi laban sa sinumang indibidwal kundi laban sa paglihis sa diwa at mekanismo ng mga kasunduang pinagtibay ng magkabilang panig.

Idinagdag pa niya na may mga pagtatangkang ilihis ang usapin upang magmukhang may hidwaan sa loob ng organisasyon.

‎‎Binigyang-diin ni Murad na dapat ituon ang pansin sa mas malalim na suliranin, ang mga umano’y manipulasyon at pagsira sa proseso ng pagpapatupad ng peace agreements.‎‎

“… sa kasalukuyan, tila tayo’y muling nahaharap sa mga hamon. May mga pangyayaring nagbibigay ng impresyon na ang ating awtonomiya ay nais manipulahin, at may mga palatandaang sinusubok tayong paghiwa-hiwalayin.”

‎‎Dagdag pa niya:‎‎ “Kaya’t nananawagan tayo, bilang kapwa lumagda sa mga peace agreement, na maging tapat sa diwa at wastong kahulugan ng ating mga napagkasunduan. Inialay natin ang dugo, pawis, at maging ang buhay upang maitayo ang matibay na pundasyon ng pagkakaunawaan sa pagitan ng Bangsamoro at ng National Government.”

‎‎Ayon sa M!LF Chairman, ang mga kasunduang pangkapayapaan ay bunga ng mahabang negosasyon at sakripisyo, kaya’t marapat lamang na igalang at sundin ang bawat nakapaloob rito upang mapanatili ang tiwala at katatagan ng rehiyon.

‎‎Mariin din niyang iginiit ang pangangailangang maidaos ang halalan sa BARMM bilang mahalagang hakbang sa pagpapatibay ng tunay na awtonomiya.

‎‎“… mariin din ang panawagan na maisagawa na ang halalan sa BARMM, sapagkat ito ay mahalagang hakbang tungo sa tunay na awtonomiyang ipinangako sa ilalim ng ating mga kasunduang pangkapayapaan.”

‎‎Ang mensahe ng MILF Chairman ay panawagan para sa pagkakaisa, katapatan sa mga napagkasunduan, at pagtuon sa pagpapatibay ng kapayapaan, hindi lamang sa papel, kundi sa aktuwal na pagpapatupad nito para sa kapakanan ng Bangsamoro.