Nagpaabot ng pasasalamat ang Pamahalaang Panlalawigan ng Sarangani sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM dahil sa agarang ayuda na ipinadala nito para sa mga residenteng naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol.
Sa social media post ni Sarangani Governor Rogelio “Ruel” Pacquiao, sinabi nitong malaking ginhawa para sa mga apektadong pamilya ang ipinadalang 5,000 food packs mula sa BARMM.
Bawat food pack ay naglalaman ng 10 kilo ng bigas, 10 lata ng tuna at 10 sachet ng kape.
Partikular na pinasalamatan ng gobernador sina BARMM Chief Minister Abdulraof Macacua, Minister Jordan Bayam ng Ministry of the Interior and Local Government, Director Muhammad Farzieh Abutazil, gayundin ang Bangsamoro Rapid Emergency Action on Disaster Incidence o READi Team at iba pang katuwang na ahensya sa mabilis na pagtugon sa pangangailangan ng mga residente.
Ayon kay Pacquiao, ang agarang pagdating ng tulong mula sa BARMM ay nagpapakita ng pagkakaisa, malasakit at matibay na pagtutulungan ng mga mamamayan sa buong Mindanao sa panahon ng kalamidad.
Patuloy naman ang pamamahagi ng ayuda at iba pang relief assistance sa mga pamilyang naapektuhan ng malakas na lindol sa lalawigan.

















