Tiniyak ng Maguindanao del Sur Police Provincial Office na patuloy na bumubuti ang peace and order situation sa lalawigan sa nakalipas na halos dalawang buwan.

Ayon kay PCOL Michael John C. Mangahis, Acting Provincial Director ng Maguindanao del Sur PPO, unti-unti umanong bumubuti ang peace and order situation sa lalawigan dahil sa pinaigting na kampanya laban sa kriminalidad at mas mahigpit na pagpapatupad ng police operations sa iba’t ibang lugar sa Maguindanao del Sur.

Kabilang sa mga hakbang na ipinatutupad ng pulisya ang mas pinaigting na police visibility, checkpoints, at iba pang security measures upang mapanatili ang kaayusan at agad matugunan ang anumang banta sa seguridad.

Pinapalakas din umano ng kanilang intelligence units ang monitoring at information gathering upang mabantayan ang galaw ng mga grupong maaaring magdulot ng kaguluhan sa lalawigan.

Dagdag pa ng opisyal, mahalaga ang tuloy-tuloy na koordinasyon at presensya ng kapulisan upang mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan ng publiko sa Maguindanao del Sur.