Sumailalim na sa pagdinig ng Commission on Elections (COMELEC) en banc ang petisyon ng United Bangsamoro Justice Party o UBJP, ang political party arm ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), para kilalanin bilang Dominant Majority Political Party sa nalalapit na kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections sa September 14.
Kasama ring dumalo sa pagdinig ang sampung iba pang Regional Parliamentary Political Parties na naghain ng kani-kanilang mga petisyon para sa naturang posisyon.
Ayon sa COMELEC, kinumpirma ni Chairman Atty. George Garcia na kumpleto na ang mga dokumento at iba pang rekisitos na isinumite ng mga partido, kabilang ang kanilang mga argumento bilang suporta sa kanilang mga aplikasyon.
Dahil dito, nakatakda nang pag-aralan at pagdesisyunan ng komisyon ang mga petisyon bago ilabas ang pinal na resolusyon sa mga susunod na araw.
Inaasahan namang magiging mahalagang gabay ang naturang desisyon sa paghahanda para sa unang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.

















